Itinutulak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagdedeklara ng mga mahahalagang bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG) bilang Marine Protected Areas (MPAs).
Inihayag ito sa symposium na “Science-to-Stewardship-to-Sovereignty: A Decade of Marine Scientific Research in the West Philippine Sea,” bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 West Philippine Sea Arbitral Award.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” Cuna, halos isang dekadang marine scientific research ang nagpatunay na mahalaga ang mga ecosystem sa West Philippine Sea sa biodiversity ng bansa.
Tinukoy rin nito ang mga nadokumento sa marine research kabilang ang 49 fish species na unang naitala sa Kalayaan Island Group at mga bihirang coral species, at ang kauna-unahang seagrass beds sa Rizal Reef, na nagpapakita ng lawak ng yamang-dagat sa lugar.
Sa kabilang banda, ipinakita rin ng pananaliksik ang mga banta sa kapaligiran na batay sa pag-aaral ng UP Marine Science Institute kung saan natukoy ang mabilis na erosion sa Pag-asa Island.
Dahil dito, target ng DENR ang operationalization ng siyam na Marine Scientific Research Stations, kabilang ang isa sa Pag-asa Island, para palakasin ang biodiversity monitoring, suportahan ang science-based policymaking, at mapabuti ang pamamahala sa mga coastal at marine ecosystem ng bansa.