Kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2026 State of the Nation Address (SONA) na palakasin ang solid waste management sa bansa, tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang patuloy na pagpapatupad at pagpapahusay ng mga programa sa ilalim ng Ecological Solid Waste Management Act.
Sa kanyang SONA, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang i-update ang higit dalawang dekada nang Republic Act No. 9003 para umayon ito sa makabagong waste management practices, kabilang ang paggamit ng waste-to-energy at iba pang waste treatment technologies.
Sa panig ng DENR, tiniyak nitong patuloy na paiigtingin ang pagsunod ng mga lokal na pamahalaan sa naturang batas.
Kasama na rin ito ang pagpapalawak ng access sa materials recovery facilities (MRFs) at sanitary landfills, at pagsusulong ng mas epektibong waste segregation, recycling, at iba pang sustainable waste management solutions sa buong bansa.