Buo ang suporta ng National Power Corporation (NAPOCOR) sa hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng mas ligtas, maaasahan, at sustainable na sektor ng enerhiya sa bansa.
Kasunod ito ng pahayag ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kaugnay ng pagpapalawak ng paggamit ng renewable energy, nuclear energy, at hydrogen technologies pata mapalakas ang long-term energy security ng Pilipinas.
Ayon sa NAPOCOR, patuloy nitong gagampanan ang mandato nito sa missionary electrification, kabilang ang pagpapalawak ng paggamit ng solar energy at battery storage systems sa mga off-grid at liblib na komunidad para mabawasan ang pagdepende sa diesel at mapatatag ang suplay ng kuryente.
Bilang legal na tagapangasiwa ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), tiniyak din ng NAPOCOR na patuloy nitong pangangalagaan ang mga pasilidad habang nakikipag-ugnayan sa Department of Energy (DOE) at iba pang development partners sa pag-aaral ng mga makabagong teknolohiya tulad ng hydrogen power.