Nagdeklara ng State of Emergency ang lokal na pamahalaan ng Pio Duran, Albay matapos aprubahan ang rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) bunsod ng patuloy na epekto ng habagat sa mga baybaying barangay ng bayan.
Batay sa MDRRMC Resolution No. 08-2026, inirekomenda ang pagdedeklara ng State of Emergency sa lahat ng 33 barangay ng Pio Duran upang mapabilis ang paggamit ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) para sa agarang pagbibigay ng tulong at iba pang kinakailangang serbisyo sa mga apektadong residente.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Albay kay Mayor Evangeline Arandia, nasa 10 coastal barangay ang direktang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan, malalakas na hangin at mataas na alon dulot ng Habagat. Dahil dito, napilitang suspendihin ang pangingisda at iba pang aktibidad sa dagat, na nakaapekto sa kabuhayan ng maraming mangingisda, fish vendors, fish processors at iba pang umaasa sa industriya ng pangingisda. Aniya, mahigit isang buwan ng hindi nakakapag-hanap buhay ang mga mangingisda sa kanilang lugar.
Kasunod nito, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang agarang pagpapadala ng tulong sa mga naapektuhang residente. Nakatakdang mamahagi ang ahensya ng Family Food Packs (FFPs) para sa mahigit 6,000 pamilyang apektado ng masamang panahon.
Bukod sa ayuda mula sa DSWD, makikipag-ugnayan din ang Lokal na Pamahalaan ng Pio Duran sa Department of Agriculture (DA) upang mabigyan ng kaukulang suporta at assistance ang mga mangingisda at magsasakang naapektuhan ng masamang panahon.
Layunin ng deklarasyon na mapabilis ang paglalaan ng pondo para sa relief operations, livelihood assistance, at iba pang kinakailangang suporta habang nagpapatuloy ang epekto ng habagat sa bayan. | ulat ni Gary Carl Carillo | RP Albay
