Pupursigehin pa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pagpapalawak ng mga programang pabahay sa bansa matapos kilalanin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tagumpay ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Sa SONA ng Pangulo, natukoy nito na umabot na sa higit kalahating milyong housing units ang naitayo, napondohan, o naipagkaloob sa mga benepisyaryo.
Ayon sa DHSUD, katumbas na ito 51% ng target na 1.13 milyong housing units bago matapos ang termino ng Pangulo.
Nasa 81,295 housing units din ang naihatid sa pamamagitan ng direct housing provision, 368,731 pamilya ang natulungan sa ilalim ng government housing financing programs, habang 125,667 housing units naman ang naitayo sa ilalim ng Expanded 4PH Program.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang pagkilala ng Pangulo ay nagsisilbing inspirasyon para higit pang mapalawak ang programa at mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng ligtas, disente, at abot-kayang sariling tahanan.
“Asahan po ninyo na patuloy na magsisikap ang DHSUD kasama ng aming mga key shelter agencies upang mas mapalawak pa ang mga programang pabahay ng gobyerno para mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matulungan nating makamit ang pinapangarap nilang disente, ligtas at abot-kayang tahanan, ” pahayag ni Sec. Aliling.