Ikinatuwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga programa ng ahensya sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang ikalimang SONA ng Pangulo ang “best SONA in recent memory” dahil sa pagbibigay-prayoridad nito sa social protection para sa mahihirap at vulnerable na mga Pilipino.
Kabilang sa mga itinampok ng Pangulo ang UPLIFT Assistance Program, kung saan 1.8 milyong public utility vehicle drivers ang nakatanggap ng tig-Php5,000 cash aid, gayundin ang tuloy-tuloy na ayuda para sa mga benepisyaryo ng 4Ps at Walang Gutom Program.
Binigyang-diin din ng DSWD ang pagpapalawak ng Buong Bansa Handa program, kabilang ang pagdaragdag ng automated packing centers at relief hubs para mas mapabilis ang pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 4.9 milyong family food packs ang naka imbak sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, nasa 600,000 pamilyang naapektuhan ng mga lindol sa Visayas at Mindanao ang natulungan ng DSWD, gamit ang mahigit Php3 bilyong pondo para sa disaster response.
Binigyang-diin din ng ahensya ang pagpapatupad ng Project Aruga para sa mga batang may kapansanan, gayundin ang patuloy na pagpapalakas ng mga programa para sa proteksyon ng mga bata at pamilya.