Photo courtesy of Rep. Miro Quimbo
Tiniyak ni House Committee on Ways and Means Chair at Marikina Rep. Miro Quimbo ang agarang pagtalakay ng Kamara sa mga panukalang reporma sa buwis na inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Quimbo, makatutulong ang mga hakbang na ito upang mabawasan ang pasanin ng mga manggagawa, pamilya, at mga negosyo habang pinalalakas ang ekonomiya.
“We welcome the President’s clear directive to pursue meaningful tax reforms that will provide immediate relief to Filipino taxpayers while strengthening our economy. The Committee on Ways and Means stands ready to act on these priority measures without delay,” ani Quimbo
Kabilang sa mga prayoridad ang pagtataas ng income tax exemption threshold para sa annual income na ₱350,000 upang mas maraming manggagawa ang hindi na magbayad ng income tax.
Napapanahon aniya ang panukala dahil nabawasan na ang purchasing power ng mga Pilipino bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Suportado rin ng komite ang plano ng Pangulo na alisin ang Minimum Corporate Income Tax para sa mga micro at small enterprises, upang mas mapalawak ang kanilang negosyo at makalikha ng mas maraming trabaho.
Pabor din si Quimbo sa panukalang tax amnesty na sasaklaw sa income tax, estate tax, donor’s tax, value-added tax o VAT, pati mga surcharge, interes at multa.
Pagsiguro ni Quimbo, makikipagtulungan ang Kamara sa Department of Finance, Bureau of Internal Revenue at iba pang sektor upang maisulong ang isang makatarungan, makabago at mas tumutugon na sistema ng pagbubuwis.