Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Nagbabala si Dr. Kenneth Lloyd M. Camaclang, RPsy, RPm, CSIOP, isang lisensyadong psychologist mula sa Alaya Psychological Services, ukol sa mapanganib na epekto ng cognitive overload o labis na pagkapagod ng isip sa mga kabataan dahil sa sobrang paggamit ng mga gadget.
Sa panayam sa programang “Warm Heart” ng Radyo Pilipinas World Service, ipinaliwanag ni Dr. Camaclang na labis na naaapektuhan ang akademikong pagganap o performance ng mga mag-aaral sa paaralan dahil sa paggugol ng mahabang oras sa mga walang katuturang aktibidad sa internet, tulad ng walang humpay na pag-browse sa social media.
Ayon sa eksperto, hindi lamang sa loob ng silid-aralan nagiging lantad ang suliraning ito. Dahil sa pagkaubos ng lakas ng isip, nagiging apektado na rin ang kanilang pakikitungo sa pamilya at mga gawaing-bahay.
Sa usapin ng health coping mechanism at upang maiwasan ang tuluyang pagka-burnout ng mga kabataan, nagpayo si Dr. Camaclang na magpatupad ng malinaw na limitasyon sa oras ng paggamit ng screen o screen time limit.
Ang hakbang na ito ay mahalaga upang mapangalagaan ang kritikal na aspeto ng pag-unlad ng isang bata sa kanyang pag-iisip (Cognitive Function), akademikong pagganap (Performance), damdamin at emosyon (Feelings and Emotions), at pisikal na kalusugan (Physical Health).
Iminungkahi ni Dr. Camaclang ang mga praktikal na pamamaraan upang unti-unting mailayo ang mga kabataan sa labis na pagdepende sa teknolohiya nang hindi sila biglaang nabibigla. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng unti-unting pagbabawas ng oras sa harap ng mga screen.
Sa pamamagitan ng paunti-unting pagbabawas na ito, mas madaling makakapag-adjust ang bata at mas mahihikayat siyang sumali sa mga pisikal na aktibidad o mga gawaing malayo sa internet.