Inaprubahan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board ang karagdagang ₱1.16 bilyong kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa 2026 alinsunod sa Universal Health Care (UHC) Act.
Dahil dito, aabot na sa ₱3.85 bilyon ang kabuuang kontribusyon ng PCSO sa PhilHealth ngayong taon.
Inaasahan ding tataas ang kabuuang remittance ng ahensya sa PhilHealth mula 2022 hanggang sa katapusan ng 2026 sa ₱13.98 bilyon.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, layunin ng kontribusyon na mapalakas ang health protection ng mga Pilipino at mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga pamilyang may miyembrong nangangailangan ng pagpapagamot o pagpapaospital.
Matatandaang sa ilalim ng UHC Act, inaatasan ang PCSO na ilaan ang 40 porsiyento ng Charity Fund nito para suportahan ang pagpapatupad ng batas at mapanatili ang mga benepisyong pangkalusugan para sa mga miyembro ng PhilHealth at kanilang mga kwalipikadong dependent.