Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senator Erwin Tulfo na minority bloc ng Senado ang humaharang sa planong pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite kaugnay ng mga pinaghihinalaang iregularidad sa mga flood control project.
Ayon kay Tulfo na pinag-iisipan niyang ituloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa susunod na linggo, pero may mga pumipigil aniya dito.
Hindi aniya ang mayorya ang hadlang sa pagsasagawa ng imbestigasyon kundi ang kabilang panig sa Senado.
Bagama’t hindi siya nagbanggit ng pangalan, binahagi niyang may mga humihiling na huwag munang ituloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
Nang tanungin kung sino sa minority bloc ang humihiling na huwag ituloy ang pagdinig, sinabi lang ni Tulfo na “obvious” na ito at dapat tingnan kung sino ang tinutukoy ni Senator Ping Lacson sa isinasagawang pangangalap ng impormasyon.
Nauna nang sinabi ni Lacson na nagsimula siyang mangalap ng impormasyon kaugnay ng mga pinaghihinalaang iregularidad sa flood control projects sa Taguig City, na kilalang balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Bago ang pahayag ni Tulfo, isinumite na ni Lacson sa Office of the Ombudsman ang mga impormasyong kanyang nakalap kaugnay ng naturang usapin.
Una naman nang itinanggi ni Cayetano ang mga paratang ni Lacson. | ulat ni Nimfa Asuncion