Nananatiling pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang Inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research.
Sa 2nd quarter survey, 37% ng respondents ang nagsabing ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ang pinakaagarang isyung dapat tugunan ng pamahalaan.
Pumangalawa naman ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa, na binanggit ng 34% ng mga respondent habang umakyat sa ikatlong puwesto ang paglaban sa graft and corruption na may 32% ngayong Hulyo.
Sa personal concerns, kalusugan pa rin ang pangunahing prayoridad ng mga Pilipino, na sinundan ng pagkakaroon ng sapat na pagkain araw-araw, pagkakaroon ng matiyak at maayos na trabaho, gayundin ang kakayahang makapag-ipon.
Isinagawa ang survey mula July 4-11 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult Filipinos nationwide.
