Photo courtesy of Presidential Communications Office (PCO)
Bubuin ng 10, 000 school counsellor associates ang unang batch na idi-deploy ng Marcos Administration sa mga pampublikong paaralan, upang gumabay at magbigay ng counseling sa bata na nangangailangan ng payo, mental health guidance, o mayroong mabigat na pinagdaraanan.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng mga insidente ng karahasan na kinasangkutan ng mga kabataan, kung saan kapwa mga kabataan din ang biktima.
Sa ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na batid nila ang masamang impluwensiya ng bayolenteng video games at iba pang social network sites na kinatatampukan ng karahasan at iba pang masamang gawain.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan aniyang magkaisa ang lahat, upang maprotektahan ang mga bata, lalo na sa loob ng mga paaralan na nagsisilbing ikalawang tahanan ng mga ito.
Kung matatandaan, ginamit din ng Pangulo ang pagkakataon, upang ipaabot sa pamilya ng mga biktima ng karahasan ang taos-pusong pakikiramay ng pamahalaan.
“To the parents of Chris Lorenz Fabian, Joyancee Separa, and Ayessa Nicole Dazo: we are all so very proud of the unflinching bravery and heroic virtue that you have instilled in your children. They are an inspiration to us all.” -Pangulong Marcos Jr.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang DepEd at PNP, na palakasin ang programa upang matiyak ang seguridad sa mga paaralan, magkaroon ng epektibong mekanismo kontra bullying, at iba pang emergency.
“We must protect them from the harmful influences and forces that exploit their vulnerability: the corrosive influence of fake news; the unfettered exposure to pornography, even to minors; the constant depiction of casual violence; and the toxicity and hate culture pervasive in social media.” -Pangulong Marcos