Target ng Kamara na maipasa sa Agosto ang panukalang magpapalawig sa income tax exemption para sa mga manggagawa, ayon kay Ways and Means Committee Chairperson at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Aniya, kahit wala pang naihahaing panukala ay magsisimula na aniya sila ng briefing sa susunod na linggo.
Batay sa pahayag ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., sa kaboyang SONA, itataas mula ₱250,000 hanggang ₱350,000 ang taunang income na hindi na papatawan ng buwis, habang tataas din sa ₱120,000 ang tax-exempt na 13th month pay at iba pang bonus mula sa kasalukuyang ₱90,000.
Ayon kay Quimbo, layunin ng hakbang na mapalaki ang net take-home pay ng mga manggagawa at mapalakas ang ekonomiya.
Pero maipapatupad lamang ang tax reform sa Enero 1, 2027 dahil nakabatay ang pambansang badyet sa taunang koleksiyon ng buwis.
Tinatayang aabot naman sa halos ₱50 bilyon ang mawawalang kita ng pamahalaan dahil sa tax relief measures.
Upang mapunan ito, plano ng Kamara na taasan ang buwis sa vape, heated tobacco, sugar-sweetened beverages, ilang produktong plastik at ilang uri ng sasakyan tulad ng pickup trucks.
Posible naman aniya na bago ang break ng Kongreso sa Oktubre ay maaprubahan na rin ang amnesty para sa mga hindi nabayarang buwis. | ulat ni Kathleen Forbes