Pinuri ni Senador Joel Villanueva ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na aniya’y tumalakay sa mga pangunahing suliraning kinahaharap ng mga pamilyang Pilipino, kabilang ang epekto ng digmaan sa Gitnang Silangan sa mga OFW, mataas na gastos sa kuryente, at kakulangan ng disenteng trabaho.
Ayon kay Villanueva, handa ang Senado na makipagtulungan sa Malacañang upang maisulong ang legislative agenda ng Pangulo, kasabay ng pagpapatibay sa mga repormang naipasa na ng Kongreso.
Ikinatuwa rin ng senador ang pagkilala ng Pangulo sa AKSYON Fund at OWWA-Kabuhayan Program para sa mga repatriated OFW, gayundin ang mga benepisyo ng Work-From-Home Act at online classes sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Binigyang-diin din ni Villanueva ang kahalagahan ng Lifelong Learning Development Framework Act, Enterprise-Based Education and Training Framework Act, Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), at Trabaho Para sa Bayan Act sa paghahanda ng mga manggagawa para sa mga bagong oportunidad sa trabaho.
Ikinagalak din ng mambabatas ang direktiba ni Pangulong Marcos na palawakin ng PhilHealth ang suporta sa mga batang may developmental disabilities, gayundin ang patuloy na pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Act upang madagdagan ang bilang ng mga doktor sa bansa.
Ayon kay Villanueva, layunin ng mga repormang ito na tiyakin na ang paglago ng ekonomiya ay magbubunga ng mas maraming de-kalidad na trabaho at sapat na suporta para sa bawat Pilipino sa panahon ng krisis.