Photo courtesy of Bureau of Internal Revenue (BIR)
Naghain ng tax evasion cases ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa isang POGO-linked company, isang construction firm, at dalawang VAT-registered real estate sellers
Ito ay dahil sa tax liability na umabot sa kabuuang ₱416 milyon.
Ayon sa BIR, pinakamalaki sa mga kaso ang isinampa laban sa Zun Yuan Technology Inc. at mga opisyal nito, na may tinatayang tax liability na ₱402.74 milyon.
Sa imbestigasyon ng BIR, lumalabas na bagama’t nagdeklara ang kumpanya ng kita mula sa operasyon nito bilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), hindi umano nito idineklara ang malaking bahagi ng taxable income mula sa offshore gaming activities, na nagresulta sa kakulangan sa pagbabayad ng income tax, value-added tax (VAT), at withholding taxes.
Samantala, kinasuhan din ang AEP Construction at mga opisyal nito dahil sa ₱6-milyon tax liability at dalawang VAT-registered real estate sellers na may tinatayang tax liability na ₱7.31 milyon.
Iginiit naman ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na patuloy na hahabulin ng ahensya ang mga nagtatangkang umiwas sa tamang pagbabayad ng buwis, anuman ang industriya o pamamaraan na ginagamit.
Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nakapagsampa na ang BIR ng 269 criminal complaints sa buong bansa sa ilalim ng Run after Tax Evaders o RATE Program.