Screengrab courtesy of DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr.
Itinayo ng Department of Agriculture (DA) ang kauna-unahang seaweed bioreactor sa Pilipinas bilang bahagi ng programa ng pamahalaan upang mapataas ang produksyon at pag-export ng seaweeds.
Matatagpuan ang pasilidad sa National Seaweed Technology Development Center ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Sorsogon.
Gagamitin ito sa buong taong produksyon ng disease-free at de-kalidad na seaweed propagules para sa mga magsasaka.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ipamamahagi nang libre ang mga planting materials sa mga seaweed farmer sa iba’t ibang panig ng bansa upang mapataas ang ani at mabawasan ang pagkalugi dulot ng mahihinang punla.
Umaasa ang DA na makatutulong ang bagong teknolohiya upang mapalakas ang industriya ng seaweeds at maibalik ang posisyon ng Pilipinas bilang isa sa mga nangungunang prodyuser ng Kappaphycus seaweeds sa buong mundo.