DepEd
Nagsagawa ang Department of Education (DepEd) ng serye ng pambansang konsultasyon sa mga stakeholder at iba pang ahensya kaugnay ng panukalang Executive Order na magtatakda ng bagong guidelines sa suspensyon at pagbabalik ng klase at pasok sa trabaho sa mga paaralan tuwing may emergency.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng panukala na maprotektahan ang mga mag-aaral at kawani ng paaralan habang tinitiyak ang learning continuity sa panahon ng emergency.
Aniya, bibigyan din nito ng malinaw na gabay ang mga local authorities at school heads sa pagdedesisyon kapag may banta ng sakuna.
Sa ilalim ng panukala, ibabatay ang suspensyon at pagbabalik ng klase sa mga abiso ng mga pambansang ahensya, deklarasyon ng mga local chief executive, at assessment ng mga paaralan.
Kabilang sa mga lumahok sa konsultasyon ang mga Schools Division Superintendent, local chief executives, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at iba pang kinatawan ng pamahalaan.
Matapos ang mga konsultasyon, bubuuin ng DepEd ang pinal na rekomendasyon na isusumite sa Office of the President. | ulat ni Diane Lear