Prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino, at hindi magpapadalos-dalos ang gobyerno na magpatupad ng anomang nuclear energy nang hindi muna nito nasisiguro na ligtas ang anomang nuclear project na papasukin ng Pilipinas.
Ito ang tiniyak ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng pag-aagam-agam ng ilan sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa SONA, na panahon na upang isulong ang pagkakaroon ng nuclear energy program para sa bansa.
Ayon kay Castro, batid ng gobyerno ang malaking requirement para sa pag-iingat sa usapin ng nuclear energy.
“So, hindi po susuong ang ating pamahalaan, ang administrasyon kung ito po ay magpu-put in danger ang ating mga kababayan, magkakaroon nang hindi magandang sitwasyon o kundisyon kasi ang inuuna po ng Pangulo at ng administrasyon ay ang safety ng ating mga kababayan.” -Castro.
Makakaasa aniya ang mga Pilipino na ang pamahalaan, sisiguruhin muna na sasailalim sa mabusising pag-aaral ang mga programa, kumpleto ang safety nets, at makatatalima sa international standards ang safeguards na ipatutupad sa bansa.
“Kahit naman po na nagkaroon ng bilateral meeting ang Pangulo with the Russian President Vladimir Putin, isa po ito sa kaniyang nabanggit dahil hindi madali na ipaliwanag ang safety ng nuclear energy. At sinisigurado naman po na kapag ito po na kapag ito po ay pinasok po natin, ang pag-aaral po na ito ay dapat na kumpleto at ang mga polisiya na gagamitin dito ay hindi po itatago sa inyo.” -Castro.
Hindi aniya basta susuong ang pamahalan sa anomang proyekto, kung hindi ito sigurado na magiging beneficial at ligtas ang mga Pilipino. “Ang DOE po sa pamamagitan po ng Nuclear Energy Program Interagency Committee ay nagsasagawa na po at nagtatrabaho on a whole-of-government approach. So, kailangan mag-comply sa safety, security, and safeguards requirement na naaayon din naman po sa International Atomic Energy Agency.” -Castro.