Nilinaw ni Prosecution Adviser at Spokesperson Robert Ace Barbers na buo ang kanilang respeto sa lahat ng senator-judges at wala silang hinuhusgahan kasunod ng pagkalat ng umano’y spliced video ni Prosecutor Chel Diokno kaugnay ng impeachment trial.
Ayon kay Barbers, naniniwala silang alam at ginagampanan ng mga senador ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga hukom.
Matatandaang noong nakaraang weekend ay kumalat ang naturang video na nagpapalabas na fishing expedition lamang ang ginagawa ng prosecution isang post na ibinahagi rin ni Senator Pia Cayetano sa kanyang social media page.
Paliwanag ni Barbers, maaaring nagkaroon lamang ng oversight o pagkukulang ang staff ng senadora.
Ito ang dahilan, aniya, kung bakit sila nananawagan sa publiko na patuloy na subaybayan ang buong impeachment trial upang maiwasan ang paglaganap ng fake news.
Samantala, nilinaw naman ni Legal Spokesperson Atty. Benjamin Jay Tolosa Jr. na hindi nila hinihiling ang pag-inhibit ng sinumang senator-judge, at wala sa intensyon ng prosecution na ilagay sa alanganin o on the spot ang mga senador na tumatayong hukom sa paglilitis.