Nagbabala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa publiko laban sa pagbili ng mga construction material na hindi pasok sa quality standards at nagtataglay umano ng radioactive substances.
Ito ang inihayag ni PAOCC Executive Director Usec. Benjamin Acorda Jr. matapos salakayin ng kanilang mga tauhan, kasama ang National Bureau of Investigation (NBI), ang isa na namang steel plant sa Pampanga.
Magugunitang nagsagawa ng operasyon ang PAOCC, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DOH), NBI, at ang Magalang LGU sa pabrika ng Chuangxing Steel Incorporated sa bayan ng Magalang noong July 18.
Tumambad sa mga awtoridad ang mga substandard steel products at radioactive-bearing industrial materials na nakasasama sa kalikasan at kalusugan ng mga manggagawa, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3 bilyon.
Giit ni Acorda, dapat mapigilan ang pagkalat sa merkado ng mga ganitong uri ng produkto na naglalagay sa publiko sa panganib, lalo’t nakasalalay rito ang integridad ng mga gusaling paggagamitan ng mga ito.
Sa naturang operasyon, nasagip ng mga awtoridad ang 347 Pilipino at 37 Chinese nationals, habang inaresto ang apat na company officers dahil sa patung-patong na mga paglabag.