Naghain ang ilang women’s rights advocates, miyembro ng academe, at mga feminist ng reklamo sa Senate Ethics Committee laban kay Sen. Pia Cayetano.
Ayon kay Juanna Caumeran ng EveryWoman, inirereklamo nila ang pag-share ng isang umano’y spliced video ni Sen. Cayetano sa kasagsagan ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa reklamong inihain ng grupo, na naka-address kay Senate Ethics Committee Chair Sen. Vicente Sotto III, hiniling nilang agad na imbestigahan ang naging aksyon ni Sen. Cayetano.
Ayon sa grupo, nakokompromiso nito ang integridad ng impeachment proceedings at nagdudulot ng seryosong katanungan tungkol sa pagsunod ng senadora sa kanyang ethical, professional, at constitutional obligations bilang isang senator-judge.
Tinukoy sa reklamo ang video na ibinahagi ni Cayetano sa kanyang official Facebook account noong July 24, 2026.
Naniniwala ang grupo na hindi ito angkop na asal ng isang senator-judge sa gitna ng isang nagpapatuloy na impeachment trial.
Nanawagan si Caumeran na agad nang simulan ang imbestigasyon at magpataw ng karampatang parusa kung kinakailangan.