Pinag-aaralan na ng Senado ang posibleng pag-aayos o pag-adjust ng kanilang security measures matapos mapaulat na nanakawan ng ilang kagamitan ang CongressTV sa loob ng compound ng Senado.
Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Alfred Corpus, iniulat sa kanila ngayong umaga ng CongressTV ang pagkawala ng kanilang flat-screen TV, mga printer, at iba pang office supplies na nasa loob ng tent sa parking area ng Senado.
Sa inisyal na pagsisiyasat, sinabi ni Corpus na sinira umano ng mga suspek ang bakod sa pagitan ng Senado at GSIS bago pumasok sa tent at tangayin ang mga kagamitan.
Naniniwala si Corpus na posibleng isinagawa ang pagnanakaw kasabay ng malakas na pag-ulan.
Bagama’t may CCTV sa lugar, hindi naman umano nakita ang mga suspek dahil nahaharangan ng tent na itinayo ng CongressTV ang line of sight ng kamera.
Dahil dito, sinabi ni Corpus na pag-aaralan nila ang pagdaragdag ng mga CCTV camera sa compound, lalo na sa mga itinuturing na blind spots.