Inihayag ni Energy Secretary Sharon Garin na nasa 5 to 15 % ang posibleng matapyas sa binabayarang electric bill ng mga consumer sa gitna ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na alisin na ang system loss charges.
Sa ambush interview sa Kalihim sa pagbubukas ng kauna-unahang interactive Energy Museum sa Taguig City, sinabi ni Garin na ipinatawag niya na ang stakeholders para agad mapag-usapan ang pagtatanggal sa system loss.
Papaspasan aniya nila ang gagawing pag-aaral kung paano matatanggal sa monthly electric bill ang nasabing bayarin na sa mahabang panahon ay pinapasan ng mga consumer.
Pero paglilinaw ni Garin, hindi agaran ang pag-aalis ng system loss gayong marami silang mag-aaral ukol dito gaya ng generating companies, NGCP, National Electrification Administration (NEA), bukod pa sa nangangailangan din ito ng legislative action.
Pero sa lahat ng ito ay binigyang-diin ni Garin na malinaw aniya ang direktiba ni Pangulong Marcos at ito ay ang pababain ang presyo ng kuryente na kanilang gagawin.