Hinikayat ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Party-list Representative Jude Acidre ang mga bangko, fintech companies at iba pang financial institutions na makipagtulungan sa pamahalaan upang mapalawak ang financial inclusion ng mga mag-aaral at kabataan.
Ginawa ni Acidre ang panawagan sa ginanap na Regulators’ Breakfast Boardroom ng Global Finance and Technology Network.
Ayon sa kanya, hindi lamang dapat palawakin ang access sa financial services kung hindi tulungan ding makabuo ng mapagkakatiwalaang financial identity ang mga kabataan.
Tnalakay din sa pulong ang House Bill 9149 o Philippine Open Finance Act na akda ni Acidre, na magtatakda ng legal na balangkas para sa ligtas na pagbabahagi ng financial data ng mga consumer sa kanilang pahintulot.
Aniya, marami nang estudyante ang gumagamit ng digital payments, e-wallets, at tumatanggap ng remittances ngunit hindi pa rin ito kinikilala ng pormal na sistema sa credit assessment.
Binigyang-diin din niya, na kailangan ang pagtutulungan ng mga mambabatas, regulators, bangko, at fintech companies upang maging mas inklusibo ang financial system.
Suportado naman ni Salmon Bank Co-founder Raffy Montemayor ang panukala at sinabi nitong makatutulong ang responsableng paggamit ng financial data upang mapalawak ang serbisyong pinansyal para sa mga kabataan.