Photo Courtesy of Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB
Kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sinimulan na nitong talakayin ang mga petisyon para sa taas-pasahe na inihain ng limang pangunahing transport groups kasunod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Saklaw ng mga petisyon ang mga pampasaherong jeepney, bus, UV Express, taxi, at motorcycle taxi.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, masusing nirerebyu na ang lahat ng pending na petisyon alinsunod sa direktiba ni Transportation Sec. Giovanni Lopez na bumuo ng rekomendasyon sa lalong madaling panahon.
Kasama umano sa isasaalang-alang sa deliberasyon ang posisyon ng iba’t ibang stakeholder, kabilang ang epekto ng inflation at kakayahan ng mga commuter na magbayad ng anumang magiging dagdag-pasahe.
Punto ni Chair Mendoza, target ng LTFRB na makabuo ng fare adjustment na makatarungan para sa sektor ng pampublikong transportasyon habang pinangangalagaan din ang kapakanan ng mga commuter at ng publiko.
“We assure everybody that the LTFRB will always take the path of measures that recognizes the interest of the PUV sector but ensuring that the welfare of commuters and the general public are protected,” ani Chairman Vigor.