Binigyang diin ni House Prosecutor Lorenz Defensor na ang paglilitis ni Vice President Sara Duterte ay nakatuon sa paglabag sa Saligang Batas at katapatan sa panunungkulan, at hindi isang karaniwang kasong kriminal.
Ito ang mariing giniit ni Defensor sa gitna ng mga pagtatangkang ikahon ang bawat usapin sa pamantayan at teknikalidad.
Ayon kay Defensor, mahalagang maunawaan ng publiko na ang pangunahing layunin ng prosekusyon ay patunayan ang paglabag sa Konstitusyon at hindi basta isang krimen lamang.
Ang Article I ng articles of impeachment ay nag-aakusa kay VP Duterte ng hindi wastong paggamit, maling alokasyon, at iregular na likwidasyon ng ₱612.5 milyong confidential funds na nagbunga umano ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.
Paliwanag niya, na ang mga batayan para sa pagpapatalsik ay sumasaklaw sa mga opisyal na hakbang na sumisira sa tiwala ng taumbayan.
Pinabulaanan din ni House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang pahayag na kailangang patunayan ng prosekusyon ang kaso gamit ang mabigat na pamantayan ng proof beyond reasonable doubt.
Binanggit niya ang pamantayang clear and convincing evidence, na lumitaw sa kasong Duterte versus House of Representatives, na aniya ay mas mababa kaysa sa kinakailangang antas ng ebidensya para sa isang hatol na kriminal.