Napagsabihan ni Senate Committee on Energy Chairman Senador Erwin Tulfo ang Manila Electric Company (Meralco) kaugnay ng isyu ng pagtanggal ng singil sa non technical loss na nakapaloob sa system loss charges.
Ang technical loss kasi ang tumutukoy sa natural o hindi maiiwasang pagkawala ng kuryente habang ang non trchnical loss naman ay tungkol sa ilegal na koneksyon, jumper at meter tampering.
Sa senate hearing ngayong araw, giniit ni Meralco Regulatory Management Senior Vice President and Head Atty Jose Ronald Valles na sa 4.22% na system loss ng Meralco, nasa 1 percent lang ang non-technical dahil puspusan sila para tugisin ang mga nagnanakaw ng kuryente.
Pinaliwanag ni Valles na para tuluyang ma-zero ang non-technical losses ay gagastos ang Meralco ng malaki sa kanilang operations at capital expenditures para sa mga dagdag na tauhan na mag iinspeksyon at magtitiyak na walang magiging nakawan ng kuryente sa mga kabahayan.
Iginiit ng Meralco na napakagastos nito at posibleng ikarga ang malaking gastos sa taripa dahil wala namang distribution utility ang papayag na malugi.
Hindi naman ito nagustuhan ni senator erwin at sinabihan ang Meralco na lumipat na lang ng negosyo.
Giniit ng senador na kasama sa responsibilidad ng Meralco ang pagtitiyak na walang nakawan ng kuryenteng mangyayari at hindi dapat ipinapasa sa mga konsumer ang gastos para dito.
Tugon naman ng Meralco, lahat naman ng nare-recover ng kumpanya sa mga ninakaw na kuryente ay ibinabalik sa mga consumers sa pamamagitan ng pagbawas sa generation cost sa mga bill ng kuryente. | ulat ni Nimfa Asuncion