Unti-unti nang lumilitaw ang umano’y “money trail” sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, ayon sa House prosecution panel sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pulong balitaan, sinabi nina House Prosecutor Terry Ridon at House Prosecution Spokesperson Zia Alonto Adiong na napatunayan sa unang araw ng presentasyon ng ebidensya ang pagdaloy ng pondo mula sa National Treasury hanggang sa pag-encash nito ng mga kinatawan ng Bise Presidente, batay sa testimonya ng mga opisyal ng LandBank.
Ayon sa prosecution panel, sa mga susunod na pagdinig ay ilalatag pa ang iba pang mga ebidensya upang maipakita kung paano umano ginamit ang confidential funds at kung bakit naglabas ang Commission on Audit o COA ng mga notice of disallowance na nagkakahalaga ng kabuuang ₱448 milyon.
Sinabi ni Adiong na layunin ng prosecution na maipaliwanag sa publiko ang buong daloy ng pondo. Aniya, dapat masundan ng taumbayan ang “money trail” dahil ang paliwanag sa paggamit ng kanilang pera ay hindi dapat nagtatapos sa “apat na gym bags.”
Samantala, sinabi ni Ridon na kumpiyansa silang matibay ang mga testigong ihaharap ng prosecution, kabilang ang mga dati at kasalukuyang auditor ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office o ICFAO.
Dagdag pa niya, ilalahad din sa paglilitis ang mga ebidensyang magpapakita ng umano’y paggamit ng confidential funds sa mga gastusing hindi saklaw ng naturang pondo, kabilang ang leadership training. | ulat ni Kathleen Forbes