Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang seguridad ni dating House Speaker Martin Romualdez na kanilang itinuturing na ‘high risk’ Person Deprived of Liberty (PDL).
Ito’y ayon kay BJMP Spokesperson, JSupt. Jayrex Bustinera makaraang kumpirmahin nito na nailipat na sa kanilang kustodiya ang dating Speaker buhat sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kahapon.
Sa panayam sa Kampo Crame kay Bustinera, sinabi nito na susundin nila ang kautusan ng Sandiganbayan 3rd Division na mailipat sa kanila ang kustodiya kay Romualdez batay sa inilabas nitong Committment Order.
Hinihintay na lamang aniya nila ang medical clearance ng mga doktor ni Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center bago ito ilipat sa BJMP Annex sa Payatas, Quezon City.
Gayundin ang pasya ng Anti-Graft Court sa mosyong inihain ng kampo ni Romualdez para sa hospital confinement sa Cardinal Santos Medical Center na inaasahang ilalabas ngayong araw. | ulat ni Jaymark Dagala