House Speaker Faustino Bojie Dy III
Tiniyak ni House Speaker Faustino Dy III na isusulong ng Kongreso ang mga reporma sa edukasyon at suporta sa mga guro upang magpatuloy ang magandang pag-angat ng Pilipinas sa PISA o Programme for International Student Assessment.
Para kay Dy, patunay ang improvement sa scores ng Pilipinas sa PISA 2025 na may resulta ang mga repormang ipinatutupad at mga investment ng pamahalaan sa edukasyon.
Tumaas ng 17 puntos ang Science, 16 puntos ang Mathematics, at 20 puntos ang Reading scores ng Pilipinas kumpara noong 2022.
Pinasalamatan ni Dy si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa patuloy na pagbibigay-prayoridad at pondo sa sektor ng edukasyon.
Nagpasalamat din ang House leader kay Education Secretary Sonny Angara at sa mga guro na aniya ay may malaking ambag sa pagtaas ng learning outcomes ng mga estudyante.
Gayunman, iginiit ni Dy na hindi dapat ituring na end goal ang pag-angat ng PISA scores dahil marami pa ring hamon sa kalidad ng edukasyon, kakulangan sa classrooms, workload ng mga guro at learning resources na dapat matugunan. | ulat ni Kathleen Forbes