Suportado ni Akbayan Party-list Representative Dadah Kiram Ismula ang pagtutulak ng Kamara na mapabilis ang pagpasa ng panukalang Transitional Justice and Reconciliation Bill.
Ayon kay Ismula, malaking hakbang ito upang maisulong ang hustisya at pang matagalang kapayapaan sa Bangsamoro.
Layon nitong tugunan ang historical injustices, paglabag sa karapatang pantao, at usapin sa pagmamay-ari ng lupa sa rehiyon bilang bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Umaasa rin ang mambabatas na magiging mabilIs din ang pag-usad nito sa Senado.
Pero hindi aniya dapat maisantabi ang malawak at makabuluhang konsultasyon habang minamadali ang pagpasa ng panukalang batas.
Aniya, mahalagang marinig ang tinig ng mga Moro, MILF at iba pang sektor na naapektuhan ng karahasan at kawalan ng katarungan upang maging matibay na batayan ng magiging batas.
“Ikinagagalak natin ang inisyatiba ni Speaker Dy at ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) na mabilisang maipasa ang Transitional Justice and Reconciliation Bill. Ito ay malaking hakbang upang mapagtibay ang tugon sa dekada-dekadang laban para sa hustisya at kapayapaan sa Bangsamoro,” saad ni Ismula.