Itinuturing ng Malacañang na magandang senyales ang hirit ni Meralco Chairperson at CEO Manny Pangilinan na pag-usapan ang may kinalaman sa pagpapabuwag sa system loss charges.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nangangahulugan lamang ito na bukas si MVP sa diskusyon sa gitna ng desididong pasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumaba ang presyo ng kuryente.
Sa harap nito ay inihayag ni Castro, na marami talagang pagdaraanan na pag-aaral at maaaring may maapektuhan sa nasabing kagustuhan ng Pangulo, at mabuti na lang aniya na handa ang kinauukulang mga panig, na ito ay mapag-usapan.
Kaugnay nito ay sinabi ni Castro na nagsisimula na aniyang aralin ing Department of Energy (DOE) ang regulasyon ng Energy Regulatory Commisssion (ERC), legislations, at iba pang polisiya sa harap ng pangunahing objective na maibaba ang electricity rates na binabayaran ng consumers.
Sisikapin aniyang may mabuong polisiya ukol sa target na pagtatanggal ng system loss na hindi magiging pahirap kapwa sa hanay ng ating mga kababayan, mga investors at utility companies.