Kinumpirma ni Marikina City Mayor Maan Teodoro na nasakote na ng Pulisya ang suspek sa pananaga sa isang mag-tiyahin sa Brgy. Malanday noong Martes, July 29.
Batay sa contributed video na inilabas sa social media account ng alkalde, kitang hinahabol ng mga awtoridad ang suspek sa matalahib na lugar sa nabanggit na barangay.
Nabatid na walang habas na pinagtataga ng nahuling suspek ang 28-anyos na babae na nataga sa daliri, ulo, at braso gayundin ang 10-taong gulang nitong pamangkin na nataga naman sa ulo.
Mariing kinondena ni Mayor Teodoro ang insidente at ngayong hawak na ng mga awtoridad ang suspek, tiniyak nito na kanila iyong pananagutin.
Giit ng alkalde, walang puwang sa kanilang lungsod ang ganitong klase ng karahasan.
Isasailalim sa inquest proceedings ng Pulisya ang naturang suspek habang ikinakasa na ang mga kasong isasampa laban sa kaniya.

