Nakatakdang imbitahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga eksperto mula sa iba’t ibang ahensya sa susunod na pagdinig ng mga petisyon para sa dagdag-pasahe.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, kabilang dito ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Energy (DOE).
Layunin ng LTFRB na beripikahin ang datos ng mga transport group at pag-aralan ang epekto ng anumang fare adjustment sa ekonomiya at sa mga commuter.
Tatalakayin ng DOE ang epekto ng oil price hike, habang magbibigay naman ng pagsusuri ang DEPDev at DOLE.
Ayon kay Mendoza, makatutulong ang rekomendasyon ng mga ahensya sa pagbuo ng patas at balanseng desisyon kaugnay ng petisyon sa taas-pasahe.