Sasailalim pa sa beripikasyon ang ulat ng Climate Conflict Action Asia (CCAA) na may 235 deaths na naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), mula January hanggang July 28, na mayroong kaugnayan sa paparating na kauna-unahang halalan sa rehiyon sa Setyembre.
Ipinahayag ni Communications Usec. Claire Castro, na ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang mga napaulat na isyu ng karahasan sa rehiyon ay hindi election-related, bagkus, personal conflicts lamang.
“Anuman ang mangyayari, ang PNP, AFP at Philippine Coast Guard ay handa po para matiyak ang kapayapaan sa halalang darating.” -Castro
Gayunpaman, bukas aniya ang Philippine National Police (PNP) sa mga ganitong datos o impormasyon at nagsasagawa na ng verification para dito.
Pagbibigay-diin ni Castro, nagtutulungan ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG), upang makatalima sa nais ng Marcos Administration na magkaroon ng isang mapayapa, ligtas, at malayang halalan sa rehiyon.
“Kasabay ng mahigpit na koordinasyon ng PNP, AFP at Comelec sa pamamagitan ng joint security control centers. Pinalalakas din ang intelligence gathering, community engagement at mahigpit na pagpapatupad ng political neutrality ng lahat ng security personnel.” -Castro
Patuloy aniya ang focus law enforcement operations ng PNP laban sa private armed groups at iba pang banta sa seguridad.
Habang pinalalakas din ang intel gathering, community engagement, at mahigpit na pagpapatupad ng political neutrality sa hanay ng security personnel.
Sa kasalukuyan, nasa 8,299 ang PNP personnel ang naka-deploy para sa election security sa BARMM, at posible pa itong madagdagang habang papalapit ang eleksyon o depende sa threat assessment at pangangailangan ng COMELEC.
“Katuwang ng PNP ang AFP at Philippine Coast Guard sa pagpapatibay ng seguridad lalo na sa election areas of concern na tinukoy ng Comelec, upang matiyak ang ligtas, mapayapa at maayos na pagsasagawa ng halalan. Iyan po ang ayon sa PNP. ” -Castro