Pinaghahanda na ng National Electrification Administration (NEA) ang electric cooperatives (ECs) partikular sa Luzon kasunod ng pag-iral ng bagyong Luis.
Sa inilabas na abiso ng NEA, inatasan ang mga apektadong electric cooperative na agad magsumite ng status report hinggil sa kalagayan ng kanilang mga pasilidad.
Pinakikilos na rin ang mga electric cooperative na i-activate ang kani-kanilang Emergency Response Organization at ihanda ang mga contingency measure para matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang pinsalang maidudulot ng kalamidad.
Pinatitiyak din ng ahensya na naka-preposition ang mga kinakailangang kagamitan, materyales, at buffer stocks para sa agarang power restoration sakaling magkaroon ng pagkasira sa mga linya at pasilidad ng kuryente.