Pinuri ng Department of Education (DepEd) ang Philippine National Police (PNP) dahil sa mabilis nitong pag-aksyon na nagresulta sa pagkakadakip ng may 10 kabataang sangkot sa online threat hoax.
Batay sa ulat na natanggap ng DepEd, ipinagharap na ng reklamo ang pitong 15-anyos na mga estudyante matapos magbanta online na mananakit ng mga kapwa nila mag-aaral sa Tinajero National High School Annex sa Magalang, Pampanga.
Arestado rin ang isang 18-anyos na suspek sa Jaen, Nueva Ecija matapos magpakalat ng mga bomb threat online laban sa ilang pampubliko at pampribadong paaralan sa San Ildefonso, Bulacan.
Isa pang 18-anyos na mag-aaral ang inaresto matapos umaming nag-post ng gawa-gawang banta upang maipatigil lamang ang klase sa San Felipe Integrated School sa Nueva Ecija.
Samantala, isinilbi ng mga awtoridad ang isang Warrant to Search, Seize, and Examine ang computer data laban sa isang babae sa Barangay Paradahan I, sa Tanza, Cavite kaugnay ng banta sa isang lokal na paaralan.
Nasamsam sa nasabing operasyon ang 16 na digital devices para sa pagsusuri kaugnay ng paglabag sa Article 282 (Grave Threats) ng Revised Penal Code at Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012
Iginiit ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng law enforcers, pamahalaang lokal, mga magulang, mga paaralan, at pamayanan upang mapanatili ang ligtas, maayos, at tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga mag-aaral.

