Inihayag ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na mahalagang linawin ng kampo ni Vice President Sara Duterte kung saan nanggaling ang pondong ginamit sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa, na una nang iginiit ng Bise Presidente na mula sa sarili niyang bulsa at hindi sagot ng gobyerno.
Batay sa pagtaya ni Ridon gamit ang pamantayan ng UNDP rates, aabot sa humigit-kumulang ₱8 milyon ang kabuuang gastos para sa 91-araw na biyahe ni VP Duterte mula 2025 hanggang 2026.
Tanong ni Ridon, kung ikukumpara ang naturang halaga sa sahod at sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente, saan nanggaling ang perang ipinambiyahe kung wala namang nakatala o naka deklarang cash in bank o cash on hand sa kanyang SALN.
Samantala, sinabi ni Ridon na pag-aaralan ng panel kung isasama nila sa pagtalakay ng Article 2 o Unexplained Wealth ang isyu ng gastos sa biyahe ni VP Sara.
Aniya, sa ngayon sapat ang kanilang hawak na mga ebidensya at testigo para pagtibayin ang alegasyon ng “hindi maipaliwanag na yaman” ng pangalawang pangulo.