Nananatiling normal ang sitwasyon sa bahagi ng EDSA White Plains at People Power Monument ngayong Lunes, September 21.
Ayon kay Quezon City Police District-Public Information Office (QCPD-PIO) Chief at Spokesperson PMaj. Jennifer Gannaban, wala silang natatanggap na impormasyon tungkol sa planadong kilos-protesta sa lugar dahil wala umanong nag-apply ng permit sa Quezon City government.
Dahil dito, wala ring traffic rerouting na ipinatutupad sa bahagi ng EDSA White Plains.
Gayunman, nasa 800 tauhan ng QCPD ang naka-deploy sa People Power Monument mula pa noong weekend bilang paghahanda sa anumang posibleng pagtitipon o kilos-protesta.
Ayon sa QCPD, kung may grupong magsasagawa ng kilos-protesta nang walang kaukulang permit, makikipag-ugnayan ang mga pulis sa mga organizer at ipapaalala ang mga umiiral na panuntunan.
Bukod naman sa QCPD, naka-deploy din sa lugar ang mga tauhan ng Quezon City Traffic and Transport Management Department, Department of Public Order and Safety at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Samantala, naglatag din ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Department ng mga medical post sa paligid ng People Power Monument para agad na makatugon sa anumang medical emergency.