Ipinapanukala ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez na kumuha ng Congressional franchise ang malalaking social media platform bago makapag-operate sa Pilipinas.
Layunin ng House Bill No. 4786 o Social Media Platform Franchise Act na palakasin ang pananagutan ng mga platform sa content moderation, data protection, national security at karapatan ng mga user.
Bunsod ito ng magkakasunod na insidente ng pamamaril sa mga paaralan kung saan pawang mga menor de edad ang sinasabing mga suspek.
Pinakahuli ang insidente sa Banga National High School sa South Cotabato.
Kailangang din aniyang magkaroon ng lokal na tanggapan at kinatawan ang mga social media platform na maaaring agad tumugon sa reklamo at kahilingan ng mga awtoridad.
Una nang inihain ng House leader ang Digital Safety of Minors Act na naglalayong palakasin ang age verification, parental consent, at online safety ng mga bata.
Giit ni Suarez, mahalagang mapanagot ang mga platform na ginagamit ng milyon-milyong Pilipino, habang pinoprotektahan ang publiko at hindi isinasantabi ang kalayaan sa pagpapahayag.