Photo courtesy of Philippine News Agency (PNA)
Inihain ng Akbayan Reform Bloc ang House Resolution No. 1273 upang imbestigahan ng House Committee on Labor and Employment ang epekto ng temporary restraining order (TRO) sa pagpapatupad ng ₱85 minimum wage hike sa Metro Manila at ang kasalukuyang sistema ng pagtatakda ng sahod.
Layunin ng resolusyon na alamin ang legal at praktikal na epekto ng pagpapahinto sa matatanggap na sahod ng mga manggagawa, pati na ang mga posibleng hakbang ng Kongreso upang mapalakas ang implementasyon ng mga wage order.
Ayon kay Akbayan party-list Representative Perci Cendaña, kailangang malinawan kung obligado bang isauli ng mga manggagawang nakatanggap na ng dagdag-sahod ang ₱85 matapos ipatigil ng korte ang pagpapatupad ng wage order.
Iginiit din ni Cendaña, na dapat nang suriin kung sapat pa ang kasalukuyang wage-setting mechanism ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa pagtukoy ng taas-sahod.
Sa ilalim ng resolusyon, iimbitahan ang Department of Labor and Employment, National Wages and Productivity Commission, RTWPB-NCR, at mga kinatawan ng labor at employer groups upang talakayin ang usapin.
Umaasa ang Akbayan Reform Bloc na magsisilbing batayan ang imbestigasyon sa pagbuo ng mga panukalang magpapalakas sa pagpapatupad ng wage orders at higit na magpoprotekta sa karapatan ng mga manggagawa.