Naghain ng motion for reconsideration si Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan 5th Division matapos tanggihan ng korte ang kanyang motion to fix bail.
Sa mosyon, iginiit ni Estrada na hindi siya maituturing na flight risk at maaaring pagkalooban ng piyansa kahit wala pang naunang pagdinig para matukoy kung malakas ang ebidensya laban sa kanya.
Binigyang-diin ng kampo ng senador ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni dating Sen. Juan Ponce Enrile, na pinahintulutang makapagpiyansa dahil mababa umano ang posibilidad na tumakas ito.
Ayon sa kampo ni Estrada, katulad ni Enrile, hindi rin siya flight risk dahil isa siyang incumbent senator at matagal nang nagsisilbi sa gobyerno.
Binanggit din ng kanyang kampo na ilang beses siyang nabigyan ng pahintulot na bumiyahe sa ibang bansa sa mga dati niyang kaso, at sa lahat ng pagkakataon ay nakabalik siya sa Pilipinas para harapin ang mga kaso laban sa kanya.
Iginiit din ni Estrada, na kusa siyang sumuko sa mga awtoridad nang malaman ang inilabas na warrant of arrest laban sa kanya.
Dahil dito, hiniling ng senador sa Sandiganbayan na baligtarin ang naunang resolusyon nito at pagbigyan ang kanyang mosyon na itakda ang halaga ng kanyang piyansa at payagan siyang makalaya habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanyang kaso.