Hindi dapat maging balakid ang isinasagawang impeachment trial sa Senado sa iba pang pangunahing tungkulin ng mga mambabatas sa bansa.
Ito ang naging tugon ni House Prosecutor Joel Chua sa tanong ng media kung hindi ba “bitin” ang paghaharap ng mga testigo, dahil kailangang putulin ang pagdinig bago mag alas-3 ng hapon upang magbigay-daan sa plenary session ng Senado at Kamara.
Nagsisimula ang paglilitis sa Senate Impeachment Court ng 10:00 AM at nagtatapos bago mag 3:00 PM na oras ng pagsisimula ng sesyon sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Chua, nauunawaan niya ang sitwasyon kung saan kailangang gampanan ng mga mambabatas nang sabay ang dalawang mandato, ang pagpasa ng mga batas at ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon ukol sa impeachment.
Ibig sabihin, kailangang balansehin ng Senator-Judges at House Prosecutors ang pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga distrito, legislative works, at ang paglilitis sa Pangalawang Pangulo.