Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Naniniwala ang isang kongresista na direktang nailahad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ang mga nagpapatuloy na suliranin at hamon na kinahaharap ng sambayanang Pilipino.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Lanao Del Sur First District Representative Zia Alonto Adiong na nabigyang-diin ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ang mga usapin sa pagkain, sweldo, at bayarin sa enerhiya.
Ayon kay Rep. Adiong, nabigyang-sentro ng punong ehekutibo ang mga isyung may kinalaman sa krisis sa Gitnang Silangan — isang bagay na masasabing hindi na kontrolado ng ating pamahalaan, ngunit patuloy pa rin ang mga pagsisikap upang maibsan ang epekto nito sa ating mga kababayan.
Paliwanag ng mambabatas, upang maging sustainable ang mga hakbanging ito ay kinakailangan ng institutional na pamantayan na manggagaling sa Kongreso.
Kaugnay nito ay kabilang sa mga panukala isinusulong ngayon sa Kongreso, ani Rep. Adiong, ay ang proposed Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance Act (KALINGA) Act.
Sa iba pang usapin na natalakay sa SONA ni Pangulong Marcos, ikinagalak ng mambabatas ang pagiging “consistent” ni Pangulong Marcos pagdating sa 2026 Bangsamoro Parliament election, na tuluy na tuloy na sa darating na Setyembre.