Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Kasama ang Pilipinas sa mga bansang nagkaroon ng partisipasyon sa ika-32 edisyon ng China Lanzhou Investment and Trade Fair sa Gansu Province, kung saan naitampok ang iba’t ibang produktong Pinoy.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz na malaki ang potensyal ng Philippine exports sa iba’t ibang probinsya ng Tsina.
Paliwanag ng Embassy official, kadalasan ay mayroong misconception pagdating sa Chinese provinces dahil mas kilala ng mga tao ang mga lugar tulad ng Beijing at Hong Kong, ngunit kung iisipin ay marami pa ang pwedeng ma-explore sa Tsina pagdating sa kalakalan dahil kasing laki na rin ito ng buong Europa, kung saan ang bawat probinsya ay katumbas na ng isang bansa.
Ayon kay Ambassador FlorCruz, patuloy na pinalalawak ng ating Embahada ng Beijing ang commercial engagements nito, lalung-lalu na sa Western China na hindi gaanong napapansin ngunit maituturing na posibleng hub para sa mga negosyo at pamumuhunan.
Kaugnay nito ay ibinahagi ni Philippine Embassy in Beijing Trade Counsellor Glen Peñaranda na sila mismo ay bumibisita sa mga probinsya sa China upang malaman din ang interes ng mga ito sa pakikipagkalakalan sa Pilipinas.
Ani Peñaranda, aktibo ang Gansu Chamber of Commerce sa pagnenegosyo sa Pilipinas kaya naman nagiging katuwang na nila ito pagdating sa pakikilahok sa mga trade fair tulad na lamang ng China Lanzhou Investment and Trade Fair.