Binigyang-diin ng Malacañang na hindi pangkaraniwang mamamayan o ang mga nasa middle income bracket ang maaapektuhan ng isinusulong na tax reform package ng administrasyon.
Ito ang pagtiyak ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa gitna na rin ng pahayag ng Finance Department na kailangang makahanap ng ₱326.92 bilyon na kapalit na kita sa gitna ng isinusulong na tax reform.
Sabi ni Castro, maaaring ang mahagip ng epekto ng panukala ay ang bumibili ng mga mamahaling sasakyan o nangangahulugang hindi iindahin ng mga nasa middle income ang isinusulong na reporma sa pagbubuwis.
Sa kabilang banda ay welcome sa Palasyo na hugutin sa sigarilyo, vape products at mga inuming matatamis ang dagdag buwis para mapunan ang mawawalang income ng gobyerno sa gitna ng panukalang tax reform gayung mas maganda sa kalusugan kung maiwasan ang pagkonsumo sa nasabing mga produkto.
Sa ilalim ng panukala, exempted na sa income tax ang kumilita ng ₱350,000 kada taon mula sa dating ₱250,000 habang kasama rin sa panukala na alisin ang minimum corporate income tax para sa mga maliliit na negosyo bukod pa sa pagkakaroon ng tax amnesty.