Patuloy na pinalalawak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang relief operations nito para matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng sunod-sunod na pag-ulan dulot ng Habagat at mga Bagyong Luis at Maymay.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, umabot na sa halos ₱3.3 milyon ang halaga ng humanitarian assistance na naipagkaloob sa mga apektadong komunidad.
Kabilang dito ang nasa 3,739 Family Food Packs (FFPs), 634 ready-to-eat food boxes at 266 non-food items ang naipamahagi sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, at Zamboanga Peninsula.
Sa ngayon, nasa 39,000 pamilya o katumbas ng humigit-kumulang 132,000 indibidwal ang naitalang naapektuhan ng Habagat at mga bagyo sa anim na rehiyon.
Mula sa bilang na ito, nasa 2,000 pamilya pa ang nananatili sa mga evacuation center.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan para matiyak ang maagap na pagtugon at tuloy-tuloy na paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong pamilya.

