Nagpahayag ng suporta si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña sa extradition ni Apollo Quiboloy matapos kumpirmahin ng Department of Justice na natanggap na ng Pilipinas ang pormal na extradition request mula sa Estados Unidos.
Hinimok ni Cendaña na pabilisin ang proseso upang makamit ang katarungan para sa mga babae at bata na umano’y naging biktima ng pastor.
Dagdag niya, nakita at narinig na sa isinagawang imbestigasyon ng Senado ang mga testimonya kaugnay ng mga alegasyon laban kay Quiboloy.
Diin pa ng mambabatas, nananatiling banta sa mga biktima ang impluwensiya at mga koneksiyon ni Quiboloy kahit ito ay nakapiit sa Pilipinas.
Punto pa ni Cendaña, ang pagpapanagot kay Quiboloy ang tanging magbibigay ng katarungan at kapayapaan sa kanyang mga umano’y naging biktima.