Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Justice (DOJ) na agarang isulong at pabilisin ang proseso ng extradition kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy sa Estados Unidos para harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Hontiveros, matagal nang dapat nanagot si Quiboloy sa mga sinasabing krimen na ginawa nito laban sa kababaihan at mga kabataan.
Pinunto ng senadora na si Quiboloy ay inakusahan ng human trafficking ng mga kababaihan at kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo at nararapat lang na managot siya sa mga lugar kung saan naganap ang mga krimen.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, sinabi ni Hontiveros na personal niyang narinig sa kanilang mga pagdinig ang mga testimonya ng mga babaeng nagsabing sila ay naging biktima ni Quiboloy.
Ayon pa sa mambabatas, ikinagagaan ng kanyang loob na hindi lang isa kundi dalawang hurisdiksyon na ang naghahangad na papanagutin si Quiboloy sa mga kasong may kaugnayan sa pang-aabuso sa kababaihan at kabataan.
Binigyang-diin din ni Hontiveros na wala nang dapat manatiling impluwensya si Quiboloy sa Pilipinas dahil ang kanyang patuloy na presensya sa bansa ay nagbibigay aniya ng lakas ng loob sa kanyang mga taga-suporta na gipitin at takutin ang mga biktimang naglakas-loob magsalita laban sa kanya.| ulat ni Nimfa Asuncion