Photo courtesy of National Historical Commission of the Philippines
Opisyal nang binuksan ng bansa ang pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan (History Month) ngayong Agosto 2026 sa pangunguna ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) na nakasentro sa temang “Hinubog ng Bayan, Dinuyan ng Alon.”
Kinikilala nito ang katubigan at mga alon bilang tulay ng pakikipag-ugnayan, kalakalan, at diplomasya ng mga Pilipino sa buong mundo, habang ipinagdiriwang din ang kontribusyon at kuwento ng ating diaspora o mga kababayang nasa ibayong-dagat.
Layunin ng pagdiriwang na ito na itaguyod ang nasyonalismo, alalahanin ang mga mahahalagang pangyayari sa ating nakaraan, at bigyang-pugay ang mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa.
Ayon sa pamunuan ng NHCP, iba’t ibang aktibidad ang inihanda para sa publiko tulad ng mga seminar, exhibits, at paligsahan sa mga paaralan. Kamakailan lamang ay inilunsad din ang HistoEx 2026 sa SM Mall of Asia na naglayong gawing mas kapana-panabik at interactive ang pag-aaral ng kasaysayan para sa mga kabataan.
Hinihikayat ng pamahalaan ang mga lokal na yunit at sektor ng edukasyon na makisali sa mga programa upang labanan ang “historical amnesia” at maitanim sa puso ng susunod na henerasyon ang pagmamahal sa kulturang Pilipino.